Ako si Mody Floranda, tsuper. Kasalukuyang National President ng PISTON. Anak ako ng magsasaka, at anak din ako ng mangingisda.
Biktima ng Martial Law.
Noong September 21, 1972, idineklara ni Marcos ang Martial Law. September 28, ilang araw pa lang pagkatapos ng deklarasyon, ay dinakip kami at ang aming baryo ng mga Philippine Constabulary dahil nilalabanan namin ang pag-agaw sa aming lupa ng malalaking haciendero. Anim na buwang nasa kampo ang aming pamilya, kasama ko ang aking mga magulang at ang aking kapatid. Napakalaki ng epekto sa kabuhayan namin, sa baryo namin. Nang iwanan ang aming baryo ng mga PC, nakita naming naubos ang aming mga pananim. Kinain ng mga PC ang aming mga hayop. Pati bahay namin ay sinira.
Kaya naman kasama ako sa mga nakibaka para matapos ang batas militar. Pero dinakip ako, at dalawang taon akong naging biktima ng iba’t ibang tortyur sa ilalim ng militar ng diktadurang Marcos.
Nakalaya ako, kasama ng iba pang bilanggong politikal, sa tulong ng taumbayan na nag-alsa para patalsikin ang diktador.
Natapos nga ang diktadurang Marcos, pero ang tanong: may nagbago ba?
Nagpunta akong Maynila, at makalipas ng ilang taon ay naging tsuper ng pampasadang FX, sa biyaheng Cubao-Vito Cruz. Dito ko naranasan kung paano pinapahirapan ng pamahalaan ang mga driver at operator, hindi lamang ng FX kundi pati ng mga jeepney at iba pang moda ng pampublikong transportasyon. Pagkatataas na mga multa at kotong. Walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.
At ang mismong FX kong minamaneho, naging biktima ng unang phaseout noong 2014, kung saan libo-libong driver ng FX ang nawalan ng kabuhayan para lamang magtambak dito ang mga dayuhang negosyo ng kanilang mga bagong sasakyan.
Ilang rehimen ang nagdaan pagkatapos ng diktador na si Marcos. May nagbago ba?
May nangako sa atin: change is coming. Pero dumating ang pandemya, at napilitang mamalimos ang mga tsuper at operator. Sa halip na subsidyo at tulong, phaseout ang tugon ng gobyerno. Daan libo ang nawalang jeepney sa daan, daan libo ang nawalan ng kabuhayan.
Diktadurang Marcos noon, at ngayon, Marcos na naman ang nakaupo sa posisyon. May nagbago ba?
Ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang pagkatay sa kabuhayan sa mga tsuper at operator sa ilalim ni Bongbong Marcos. Libo-libo ang patuloy na nawawalan ng kabuhayan.
Kitang-kita na walang nagbago mula sa nakaraang mga administrasyon hanggang sa kasalukuyan. Ganoon pa rin ang kuwento: kinakamkam ng malalaking negosyante ang kabuhayan nating maliliit.
Kaya tinatanggap ng mga tsuper ang hamon ng Makabayan. Kakatawanin natin ang sektor ng public transport sa loob ng Senado. Isusulong natin ang kapakanan ng ordinaryong tsuper, operator, at mamamayan.
Unang-una, ititigil natin ang phaseout. Gagawa tayo ng mga batas para isulong ang pambansang industriyalisasyon, na magtatayo ng sarili nating mga industriya para hindi tayo tambakan lamang ng basura ng ibang bansa. Isasabansa natin ang industriya ng langis. At isusulong natin ang progresibo, makabayan, at makamasang pampublikong transportasyon.
Kaya tinatanggap ng mga tsuper ang hamon ng Makabayan. Kakatawanin natin ang sektor ng public transport sa loob ng Senado. Isusulong natin ang kapakanan ng ordinaryong tsuper, operator, at mamamayan.
Kaya… tsuper ang maghahatid ng pagbabago!
Mody Floranda, aarangkada sa Senado!